• 1 year ago
  • 136 Views

Pinutol ko ang ugnayan sa isang taong gusto kong pahalagahan at panatilihin sa natitirang bahagi ng aking buhay. Ang sarap sa pakiramdam na kasama siya, kahit palihim, na pagmasdan ang buwan habang lumalalim ang gabi. Binigyan niya ako ng mga papuri. Palagi niyang pinapagaan ang loob ko. Nahulog ako sa ipinakita at ipinaramdam niya. Huli na nang mapagtanto ko na naibaba ko ang aking bantay, na siya ay lason. Ako’y paru-paro na tila nahipnotismo. Ako’y masyadong nakadikit sa bulaklak kaya nahihirapan akong umaklas. Nagbaka-sakali ako kahit alam kong imposibleng masuklian ang nararamdaman ko. Minsan na akong naniwala na pareho kami ng nararamdaman pero unti-unti niyang ipinakita sa akin na hindi niya talaga gustong makipagsapalaran, na hindi ako karapat-dapat. Nasasaktan ako. Kaya hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na ibigay sa kanya ang nararapat kong ‘paalam’. Hindi ordinaryo ang ugnayan na ginawa namin. Gusto ko, man lamang, magpaalam sa kanya. Maaring saglit o matagal pa bago niya ako muling makikita o baka hindi na. Kaya sana umabot ito sa kanya.

“Kumusta aking talaarawan, maraming salamat sa lahat. Hinihiling ko na nasa mabuti ka. Malugod akong humihingi ng patawad, na posibleng, tatapusin ko na ang ating sinimulan. Ikaw ay isang taong nagbibigay kasiyahan kaya bumabagabag sa akin na baka nananatili ka lamang dahil iniiwasan mo na sumama ang loob ko. At ngayon hindi na kailangan. Opisyal ko nang tinatapos ang relasyon natin dito. Hindi mo na ako kailangang puntahan kapag umuulan. Kaya kong punasan ang ulan na nagmumula sa aking mga mata. Iyon ang dapat. Manatili kang mabuti at mangyaring maging masaya. Wala nang awit na handog ng tubig kasama ka, at wala nang LUNA o ALIYA kasama ka. Kung hindi tayo para sa isa’t isa, man lamang, nakilala kita. Paalam aking talaarawan. Mananatili kang bahagi ko. Maraming salamat sa magandang panaginip.”
-SL

Comments are closed.